Two days ago, dinala ng bayaw ko at ng girlfriend nya ang aming unico hijo sa iloilo and they spent 2 days there para naman daw maigala gala nila ang bata tutal bakasyon naman. Matagal na kaming inaawitan ng mga yun at binibiro na sa kanila na lang daw ang anak namin tutal fertile naman daw kaming mag asawa. Aba, gawin ba kaming pabrika ng bata! kung alam lang nila ang hirap ng pagbubuntis. Kahit na hindi ako ang nagbubuntis, parang suko na rin ako sa hirap lalo na pag ako ang pinagbubuntunan ng mood swings ng misis ko. Walang magawa kundi ang magkamot na lang ng ulo.
So hayun nga mga 2 nights ding kami na lang ni misis ang magkatabi sa gabi. Sabi nga ng iba mapagbiro minsan ang tadhana. Tuwang tuwa sana ako dahil pag ganyang pagkakataon na kami lang 2 sa kwarto, happy hour na namin. kaso sori na lang si pareng manoy, walang happy hour na mangyayari dahil pag ipipilit, baka biglang pumutok na ang tyan ni misis at lumabas na ang aming pangalawang bulinggit. Hayun nakuntento na lang ako sa himas himas sa ga-pakwan niyang tiyan at ang siste, sinisipa sipa pa ako ng bata mula sa loob!
Naalala ko tuloy noong bagong dating pa lang ako galing japan. Nawala din ako ng mga 3 years kaya normal lang na naiilang pa ang junakis ko na noon ay 4 years old pa lang. Unang gabi ko, hindi ako pinatulog katabi sila. Doon daw ako sa kama ng lola niya (iisa lang ang kwarto sa bahay noon dahil hindi pa nga totally natatapos ang bahay namin)at ang byenan ko naman ay pinapatulog nya sa sala. Mga 3 days din sigurong ganun kami pag gabi. Hindi naman makaiskor sa umaga dahil si misis may pasok sa trabaho at ako naman ay nagbabantay sa shop. Kaya parang kwaresma na nagpipinitensya ang inyong lingkod. Dagdagan pa ng byenan ko na after a week ay doon na rin natulog sa loob ng kwarto, tuloy tuloy ang pinitensya ko. Makarinig lang ng konting kaluskos sa kama namin ay agad naman babalikwas sa higaan para iparamdam na gising pa sya.
Totoo nga siguro ang sabi ng iba na byenan ang pinaka kontrabida sa buhay ng isang taong may asawa.Kaya laki ng tawa ko sa reaksiyon niya nung malaman niyang buntis na naman ang anak niya. Narinig ko minsan habang kausap ang pinsan ni misis. "Paano kaya nakalusot yung mga yon eh mas mahigpit pa nga kay Jawo ang pagbabantay ko sa gabi!" Sabi nga, matalino man daw ang matsing, nalulusutan din. Ang sintensya, napilitan kami ni misis na hatiin ang sala at magpagawa ng isa pang kwarto para sa aming gwardiya sibil de noche.
Balik tao sa nauna kong kwento.
E di after 2 nights na puro hilik ang maririnig sa kwarto namin, umaga pa lang pabulong bulong na si misis dahil wala pa rin daw reply ang anak namin sa mga text nya (Yep, marunong nang magtext ang anak naming 5 taon. Ikaw nga lang ang bahalang manghula kung saan mo ilalagay ang mga spaces dahil dirediretso kung mag type). Hindi na nakatiis at tinawagan nga. Habang ako naman, nakahiga pa rin sa kama at nakikinig sa usapan nila sa speaker phone.
heto ang usapan nila:
M: aba! anong ginagawa mo at kanina pa ako nagtitext sa iyo ni isang reply wala akong natanggap!
D: alam mo kasi mommy baka tulog pa ako kanina nung magtext ka
M: anong tulog e tanghali na, anong oras ka ba gumising?
D: may araw na kanina
M: ano, umihi ka na naman ba? umihi ka daw sa higaan nung isang araw sabi ni tito mo.
D: hindi ah! baka umulan lang siguro at nabasa ang higaan (iniba ang usapan) pero alam mo, marami akong toys. nanalo kami ni tito toto kahapon. 2 na ang snakes and ladders ko tapos may bubbles bubbles pa ako. tapos may boat boat pa, digimon at eraser!
M: galing naman! saan ba kayo nagpunta kahapon?
D: sa SM city naglaro kami ni tito toto. dami kami na shoot! sandali kakausapin ko si daddy.
A: hello, kumusta na ano ginagawa mo ngayon?
M: daddy marami akong pinanalunan kahpon! may 2 snakes and ladders, e di 3 na lahat lahat pati yung snakes ang ladders ko diyan sa bahay tapos may bubbles ako. dapat plastic balloons kaso wala eh.
A: wag na yung plastic balloons nak, dahil alam mo naman na poison yun pag nalunok mo.
D: nag shootshoot kasi kami kahapon dapat 21 ang iskor mo para manalo hindi pwede ang 20 o kaya 23. dapat 21.
A: bakit ilan ba ang score nyo?
D: nakakuha kami ng 8,9 at 7.
A: Bakit magkano ba ang 9+8+7?
D: (nag-isip) 21!
A: (natatawa) dapat ka nang mag Best in Math!
D: oo nga daddy. magaling ako sa Math diba?
biglang pasok ang byenan ko sa kwarto. miss na miss na ang apo at hindi mapigilang sumali sa usapan.
B: Don, kailan ka uuwi? miss na kita (naluluha)
D: mamaya daw after lunch
B: ano ba ang after lunch?
D: pagkatapos kumain.
B: e di kumain ka na ngayon para makauwi na kayo kaagad.
D: hindi ah! mamaya pa yon. ang lunch tanghalian! lola matanda ka na, hindi mo pa alam ang lunch?
bwahahahaha! (tawanan ang lahat)
B: e anong pasalubong mo?
D: kay mommy, pizza, kay daddy at sa kapatid ko donut at ice cream.
B: e sa akin ano?
D: wala!
B: bakit wala ako?!
D: e hayblad ka diba? may baboy sa pizza, bawal ka nun. hindi ka naman kumakain ng donut at ice cream dahil may dayabetes ka diba?
B: kuuuu! ikaw talaga bata ka! kahit kelan inaaway mo ako!
D: eto na lang bubbles bubbles ko lola ibigay ko sa yo. hindi pa naman makapaglaro ang kapatid ko. tsaka pambabae naman kulay nito. pink.
B: salbahe ka!
*M: Misis
**D: Don (Unico Hijo sa ngayon)
***A: Ako
****B: Byenan ko
kahit paano nakakaganti ako sa pamamagitan ng anak ko. har!har!har!
Disclaimer: Talagang ganyan ang anak ko at ang lola niya, laging nagkukulitan pero sweet yan sa lola niya. Hinahanap din lagi ang lola niya para magpa timpla ng gatas at magpahugas ng pwet. My Byenan and I are in good terms. Wala naman kaming away or whatsoever.
Napagtripan ko lang isulat. Dahil siguro sa grabeng init at ang utak ko ay natunaw na lahat para makapag isip ng matinong maisusulat.
Wednesday, April 8, 2009
Sweet Revenge
isa na namang kabalbalan ni ztirfps nagkalat kaninang 12:54 PM
tags ka engengan, maytamananamanako
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Totoo ka dyan... biyenan ang pinaka no.1 enemy sa buhay may asawa.
ReplyDelete